Kalayaan, O Nasaan Ka?

            Atin ngang natamo ang kalayaan mula sa Espanya noong Hunyo labindalawa, isang-libo't walong-daan siyamnapu't walo. Nadiligan ng dugo ng ating mga bayani ang ating inang bayan ngunit sa wakas ay naging malaya ang bansang Pilipinas. Natutong lumaban ang mga mamayang Pilipino dahil sa mga akda na isinulat ni Gat. Jose "Pepe" Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Pinasimulan ni Andres Bonifacio ang paghihimagsik at simula noon, sunod-sunod na ang mga suliranin ng mga Espanyol sa mga Pilipino hanggang sa naibigay na ang kasarinlan ng bansa.

            Lumipas ang humigi't kumulang na isang-daang taon at ang bansang ito ay pinatatakbo na nga ng ating sariling gobyerno. Tunay ngang naging malaya ang bansang ito mula sa mga mananakop. Ngunit, tayo ba ay tunay nang malaya? Lumaya tayo mula sa mga banyagang mananakop ngunit tila tayo ay bilanggo pa rin ng kahirapan. Patuloy pa rin ang pagdanak ng dugo dahil sa mga pumapatay upang kumita lamang ng salapi para sa kanilang pamilya. Marami pa rin ang mga mahihirap na nagnanakaw nang hindi nila pag-aari at marami pa rin ang mga namamatay dahil sa kawalan ng pagkain at kawalan ng salapi upang makabili ng gamot.

            Patuloy ang pagsisi natin sa ating gobyerno. Palagi ang sambit natin na hindi ginagawa ng gobyerno ang kanilang tungkulin. Kaliwa't kanan ang korapsyon sa ating bansa, patuloy ang palihim na pagsuporta sa ilegal na droga upang sila ay kumita at ang paggamit sa kanilang kapangyarihan upang kumita ng salapi at yumaman, at ang pagsawalang-bahala sa kalagayan ng mga mamamayan ng ating bansa. Dapat nga ba nating sisihin ang ating gobyerno? Sila nga lang ba ang gumagawa ng kamalian? Tunay bang hindi nila ginagawa ang kanilang tungkulin bilang mga opisyal? Ito ang mga katanungang marapat lamang na itanong rin natin sa ating mga sarili.

            Umpisahan natin sa pinakamaliit na problema. Suliraning pang-trapiko. Patuloy na nagpapatupad ng batas-trapiko ang ating mga "korap" na opisyal. Sa simpleng tamang-tawiran na lang. Napakaraming nakalaan na tamang-tawiran para sa mga tao upang makatawid ng ligtas patungo sa kabilang daan ngunit bakit patuloy rin ang hindi natin paggamit dito? Hindi ba marapat lamang na sumunod tayo sa simpleng batas na ito na isinasakatuparan ng mga "korap" na opisyal ng gobyerno? Sa hindi pagsunod ng mga mamamayan dito, hindi ba na matatawag din itong isang korapsyon? Tila sa ating mamamayan din nag-uumpisa ang korapsyon? Hindi ba tama lang na tawagin din tayong mga korap?

            Tapusin natin ang sanaysay na ito sa pinakatanyag na isyu ngayon, ang droga. Napakaraming isyu ngayon ng ilegal droga. Sinasabi nating maraming opisyal ang palihim na sumusuporta sa ilegal na droga upang sila ay kumita. Patuloy nilang pinoprotektahan ang mga tagapagpalaganap ng ilegal na droga. Subalit hindi ba na hindi naman dadami ang tagapagpalaganap nito kung wala itong parokyano? Mula sa mga nakatatanda hanggang sa mga kabataan ngayon ang kanilang mga tagabili. Tila binibigyan natin sila ng dahilan upang patuloy na lumikha ng napakaraming ilegal na droga upang matustusan ang ating bisyo. Sa patuloy na pagtangkilik dito, hindi ba na matatawag din itong isang korapsyon? Tila sa ating mamamayan din nag-uumpisa ang korapsyon? Hindi ba tama lang na tawagin din tayong mga korap?

            Parati ngang binabanggit ng ating kasalukuyang pangulo na "Change is coming." Parating na ang pagbabago. Gagawin niya ang lahat upang tuluyan nang magbago ang nakasanayang korapsyon ng gobyerno. Bakit hindi natin buksan ang ating mga isipan at tingnan kung saan nagsisimula ang kamalian? Parang mas makakamtan natin ang tunay na pagbabago kung tayo mismo, kung sa atin mismo mag-uumpisa ang pagbabago at hindi lamang sa iisang tao? Patuloy ba nating iaasa ang pagbabago sa iisang tao? Paano tayo aasenso kung tayo pa rin ay isang bilanggo ng katamaran at kamangmangan?

            Tayo ay patuloy na magiging bilanggo ng kahirapan kung tayo ay magsasawalang-bahala sa dapat nating gawin upang makamit ang tunay na pagbabago. Tayo ay walang kalayaan mula sa kahirapan na tayo rin naman ang nagiging sanhi nito.

No comments